Bilang mga Pilipino na namamasukan sa ibang bansa, hindi mo maiiwasan ang pangungulila sa mga mahal sa buhay na malayo sa iyong kasalukuyang kinalalagyan. Minsan, naiisip mo kung bakit kinakailangan pa'ng magtiis kung kaunting kaginhawaan rin lang naman ang hangad mo sa buhay. Bakit mo ba sinasakripisyo ang sarili mo'ng kaligayahan na makapiling ang iyong mga mahal sa buhay? Ganun nga ka ba ka higpit ang iyong pangangailangan na pati sarili mo'ng pamilya na kumalinga sa iyo ay kaya mo'ng iwanan? Sa totoo lang, mahirap sagutin ang mga katanungang yaon. Mahirap sapagkat alam mo na masasaktan ka sa sagot. Masasaktan ka sapagkat tunay na nakakatusok ng damdamin ang katotohanan na bubungad sa iyo.
Gaano na nga ba kalala ang kasalukoyang sitwasyon sa Pilipinas na kinakailangan pa natin na mangibang bansa para lang matugunan ang pangangailangan ng ating mga pamilya o ng ating sarili? Sari-sari ang sagot na maririnig mo sa mga katanunga'ng ito. Ngunit pakinggan mo lang ang bulong ng mga tao na nagiging pipi habang sinasakyan ang mga kaganapan ng ating bansa at ikaw ay mamamangha sa sasabihin nila. Hindi sila ang mga tao na tumatamasa ng magandang buhay. Sila ang mga tao na sa kabila ng lahat, hindi iniintindi ang kahirapan sapagkat hindi nila naihahalintulad ang kasiyahn na manatili sa sariling bansa kasama ang mga mahal sa buhay. Sila ang mga tao na patuloy na naniniwala na may malaking mga pagbabago na maaari pa'ng dumating sa ating bansa.
Sa totoo lang, naitatanong ko din sa sarili ko minsan kung bakit ko pa kailangan na manatili sa bansang ito. Bilang isang guro, alam ko na may malaking maitutulong ang aking kakayahan para sa ikauunlad ng ating bansa sa pamamagitan ng paghubog ng mga kabataan na siyang magiging kinabukasan ng ating bayan. Dito sa Thailand, ang bawat pasasalamat ng aking mga mag-aaral ay hindi lamang nagsisilbing pampalubag loob sa akin bilang guro. Higit pa diyan, ito ay nagmumulat din sa akin sa tulong na pwede ko'ng maidulot sa aking mga kababayan kung ako ay babalik sa Pilipinas upang magturo. Gayunpaman, mayroon pa rin akong dahilan sa aking pananatili at iyon ay upang hubugin ang aking sarili para magiging handa sa malaking mga pasubok na maari ko'ng harapin sa tuluyan ko nang pamamalagi sa Pilipinas. Hindi ako pwedeng magsalita ng tapos pero sa tingin ko, iyon ay mga dalawang taon mula ngayon. Aking adhikain na sa aking pagbabalik sa aking bayan na sinilangan, madadala ko ang mga bagong kaalaman na pwede kong ibahagi sa aking mga kababayan.
Sa ngayon, habang ako ay nasa ibang bansa, wala akong ibang magagawa kundi gampanan ng buong puso at walang pag-iimbot ang aking tungkulin bilang isang banyagang manggagawa na inaasahang huhubog at lilinang sa kaalaman ng mga itinuturing na kinabukasan ng aking bansang kinalalagyan. Bilang isang gurong pinoy, wala akong ibang maidudulot sa kanila kundi ang aking sigasig at dedikasyon na sila ay maihanda sa mga pagsubok na maaari nilang harapin bukas. At ngayon, ako ay nasisiyahan sapagkat nakikita ko na ang simula ng magandang adhikain ng mga Pilipino dito sa ibang bansa lalo na dito sa aming paaralan. Buklod ng iisang damdamin at kaisipan na maiangat ang sariling lahi, ang lahat ay handa nang tahakin ang landas tungo sa malaking pagbabago na siyang magpapamulat sa lahat ng tunay na diwa ng mga Pilipino. Nagkakaisa, kahit saan at kahit kailan. Sana, sa tulong ng bawat isa, ay aming magagampanan ng buong husay at sigasig ang aming mga gawain at sana ang pagkakaisang ito ay maghahatid ng magandang mensahe sa bawat isa sa amin at sa iba pang mga Pilipino sa mundo.
Bilang mga manggagawang Pinoy dito sa Thailand na tinataguyod ang sariling mga pangarap at ang mga pangangailangan ng mga pamilya sa Pilipinas, ito ang aming magiging handog sa bawat isa sa atin. Wala akong ibang hangad kundi ang tagumpay ng bawat isa.
No comments:
Post a Comment