Noong ako'y umuwi sa Pilipinas mahigit isang taon na ang nakalipas, may mga napansin akong mga pagbabago sa lugar na aking kinalakihan. Ang dating mga nakaladlad na mga lupain at hindi napapakinabangan ay naging mahalagang bahagi na sa kaunlaran na nagaganap.
Gayunpaman, sa kabila ng lahat, dinig ko parin ang mga hinaing ng karamihan sa ating mga kababayan. Tulad ng dati, marami parin ang nangangarap na makarating sa ibayong bansa at makalaya sa kahirapan na dinaranas sa sariling bayan. Tanaw ko man ang mga magagandang pagbabago sa aking sariling bayan sa panahong iyon, hinimok ko parin na ikasya ang aking mga paa sa tsinelas ng aking mga kababayan nang sa ganun ay lubos kong maunawaan ang kanilang mga buhay. Mahigit isang taon din akong nawalay sa kanila at simula noong ako ay umalis, nag-iba na ang buhay na aking tinahak. Ang mahigit isang taon na pamamalagi sa Thailand ay nakaimpluwensya na sa akin pati na sa pananaw ko sa buhay lalo pa't bilang isang magtuturo, hindi ko pweding ipagdiinan ang aking sariling paniniwala at pananaw sa aking mga mag-aaral at mga kasamahan sapagkat sila ay may sarili di'ng mga pananaw at kuro-kuro sa buhay. Hindi ko pweding ipilit na ako ay tama sapagkat ginagawa ko na ang mga bagay na ito sa Pilipinas bagkos ay kailangan kong yakapin ang aming pagkakaiba.
Kaya naman, sa aking pag-uwi ay unti-unti ko na namang binalik ang aking sarili sa kung saan talaga ako nabibilang sapagkat alam ko na walang kultura, lugar, karanasan, anyo o tagumpay na makakabago sa aking pagka Pilipino. Sabihin ko man na ako'y manhid at di nag-iisip, manunumbalik parin ang aking pagka Pilipino. Nakarating man ako sa ibang bansa, mas mahalaga parin ang buhay na aking kinagisnan.
Ilang araw ang lumipas, akin nang napagtanto ang buhay na aking iniwanan. Unti-unting bumalik sa aking ala-ala ang sari-saring mga dahilan kung bakit umalis ako sa sarili kong bansa noon. Kasabay nito, aking naintindihan kung bakit sa kabila ng mga magagandang pagbabago na aking nakita ay mayroon paring mga Pilipino na handang magsakripisyo na tahakin ang matirik na daan na tinatahak ng mga Pilipino na namamasukan sa ibang bansa. Muli kong napagtanto na pili pala ang mga pagbabago na aking nakita. Ang nakinabang pala sa mga dating tiwangwang na mga lupain ay pawang mga tao rin na dati nang matiwasay ang buhay. Akala ko ang mga bago at naggagandahang mga bahay na aking nakita ay pag-aari na ni Juan dela Cruz. Bagong mansyon pala iyon ni congressman dahil nagsawa na siya sa dati niyang mansyon. At eto pa, nabili pala ni mayor ang dating palugi na negosyo ni manong. Sa madaling salita, umangat ang dati nang nakaangat at nabaon ang dati nang nakalubog.
Sa kabilang dako, may nakita akong magagandang bahay sa di kalayuan na pagmamay-ari pala ni manang na ang anak ay nakapag abroad sa Hongkong. May isang malaking hardware naman sa di kalayuan na pagmamay-ari ni Jean na dating CPA at ngayon ay caregiver na sa Canada. Namangha naman ako at nasa pribadong unibersedad na si Nene kumukuha ng kursong Nursing. Sabi nila, nagkaroon na daw ng katuparan ang pangarap niya sapagkat nasa Kuwait na ang kanyang nanay na dating guro sa pampublikong paaralan.
Dalawampu't isang araw lamang ang bakasyon ko sa Pilipinas noon at gusto ko na sanang lumagi na lang upang sa ganun ay di na ako mawawalay pa sa aking pamilya. Sa totoo lang, masarap mamuhay sa lupa na maituturing mo'ng sa iyo. Walang hihigit pa sa mga panahon kung saan kasama mo ang iyong mga mahal sa buhay at sa mga sandali na ikaw ay nakakapaglingkod sa sarili mong bayan. Subalit, ang mga panahon na iyong nilagi sa ibang bansa habang tinutugunan mo ang pangangailangan ng iyong mga minamahal at isinasakatuparan ang sarili mong mga pangarap ay hindi rin mahihigitan ng mga panahon kung saan ikaw ay namamalagi sa Pilipinas at nakikita ang iyong mga mahal sa buhay na naghihirap ngunit wala kang magawa. Ayon sa isang OFW na nakausap ko, sa kanyang pangingibang bansa nasumpungan niya ang karangyaan ngunit alam niya na ang kaligayahan na kanyang hinahanap ay sa Pilipinas lamang niya matatagpuan at ito ay sa piling ng kanyang mga minamahal.
Malungkot ma'ng isipin ngunit ang katotohanan ay hindi natin maiiwasan na bilang mga Pilipino, kinakailangan pa nating mangibang bayan para lang maisakatuparan ang mumunti nating mga pangarap para sa sarili at sa mga mahal sa buhay. Ngunit sa kabila ng lahat, bilang mga OFW, ang atin lang pakaisipin ay nabuhay tayo sa mundong ito upang magsilbing inspirasyon ng lahat. Ang mga OFW ay mga Pilipino na nagmamalasakit para sa kapakanan ng pamilya, ng Pilipinas at ng buong mundo.
Mabuhay ang mga OFW!
3 comments:
Napakaganda ng blog mo. Ako ay dating OFW at nang ako ay bumalik sa Pilipinas para magbakasyon minabuti ko na lamang mamalagi. Masarap kumita ng pera sa ibayong dagat pero iba pa rin ang buhay sa Pinas kahit mahirap masarap at masaya naman.
Hindi ko sinasabi na lahat ng OFW ay dapat bumalik sa ating bansa, marahil ako lamang ay nabigyan ng magandang pagkakataon upang mamalagi sa sariling atin.
saludo ako sa mga kababayan nating OFW dahil natutulungan ang ekonomiya ng ating bansa sa pamamagitan ng remittances.
Sa inyong lahat ng OFW, saludo ako sa inyo dahil kayo ay nagtitiis para itaguyod ang inyong pamilya at ng ating bayan!
You have nice blog! I salute all OFW in the world! May God bless you all!
Posted by: Crazyhorse
http://www.blogger.com/profile/17352222408567714141
http://humor-horror.blogspot.com
I salute you and all the OFWs. Its hard to be away from your family but you have to do it if you want them to have a better life..
Post a Comment